Mukhang inihanda na sina Juan at Nena sa napipintong paghimlay ng kanilang mga badyet dahil wala pa man ang Halloween ay katakot-takot na pagtaas sa presyo ng mga bilihin ang bumungad sa kanila.
Bago matapos ang buwan ng Oktubre, naitala ang halos dalawampung pisong dagdag presyo sa kada kilo ng baboy, at halos limampung piso naman sa kada kilo ng isda. Matatandaan din na nagkaroon ng usapin ukol sa dagdag pasahe sa mga dyip. Nariyan din ang paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng langis at ang nakaaamba ring pagtaas pa sa presyo ng Liquified Petroleum Gas o LPG. At ang nakababahala pa ay nasa gitna pa rin tayo ng pandemya, bagama’t may pagluwag na sa mga patakaran ay hindi pa rin maikakaila na ang virus ay handang sumalakay sa kahit na anong oras. Mga Juan at Nena, kaya niyo pa ba?
Batay sa mga ulat, iba’t ibang dahilan ang nagtulak sa pagtaas ng mga bilihing ito. Nandyan ang pagpinsala ni Bagyong Maring sa mga pananim sa Gitna at Norteng Luzon, ang limitadong pangingisda ng mga mangingisda dulot ng panahon ng pagtatapos ng panahon para magisda sa ilang pangisdaan na pinalala pa ng Hanging Amihan na kung saan ay mahirap makahuli ng isda dahil sa lakas ng alon at lamig na dala nito.
Tinatayang umabot na sa P20.80 kada litro ng gasolina, P18.45 kada litro naman sa diesel, at P16.04 kada litro sa kerosene ang itinaas mula Enero hanggang mga unang araw ng Nobyembre sa taong 2021. Ang Liquified Petroleum Gas o LPG ay tumaas din nang mahigit P80 kada tangke nitong Oktubre at may pagtaas din na P3.10 (Petron) kada kilo ngayong buwan. Ang pagtaas na ito ay dahil sa pag-akyat ng presyo ng inangkat na langis at cooking gas sa world market na bunsod ng mababang supply ngunit pagbugso ng demand dahil sa paparating na winter season sa Kanluran, at ang muling pagbubukas ng global economies.
Ang suplay ay unti-unti na ring itinataas ng OPEC at inaasahang babalik na ito sa pre-pandemic na produksyon at pagbaba ng presyo sa second-half ng 2022. Ito ay magandang pahiwatig na muli nang nabubuhay ang mga ekonomiya sa mundo ngunit ang bigat nito ay pasan ng ating mga kababayan.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), may malaking epekto ang mataas na presyo ng gasolina sa mga produktong agrikultura katulad ng bigas at gulay. Diesel ang gamit ng ating mga magsasaka sa irigasyon, maging sa pagdadala ng mga produkto dito sa Metro Manila. De-motor na bangka naman ang gamit ng ating mga mangingisda kaya nangangailangan din ng krudo. Bukod dito, ang mga driver at delivery services ay umaaray rin sa bigat ng presyo ng gasolina. Imbis na lumaki ang kita sa mas mahabang oras ng pasada ay lalo pang lumiit dahil kinakain ng gasolina ang kita nila. Ganoon din ang hinaing ng mga nasa logistics katulad ng Grab.
Upang maibsan ang dagok na ito, umapela ng fare hike o pagtaas ng presyo ng pamasahe ang mga grupo ng mga driver sa LTFRB. Mula sa siyam na pisong pasahe ay ninais na maging labing-dalawang piso na. Tinutulan naman ng ahensya sa kahit na magkanong pagtataas dahil hindi pa raw kakayanin ng mga namamasahe ang dagdag gastos na ito dahil sa pandemya. Kaakibat nito ay ang pagbibigay na lamang ng fuel subsidy (na aabot sa isang bilyon at inaasahang maipamamahagi sa natitirang buwan ng taon sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng LTFRB) at ang pagtaas ng kapasidad ng mga pasahero sa pampublikong sasakyan (na ngayon ay nasa 70% capacity na). Dumaing din ng cash subsidy ang mga magsasaka at mangingisda natin na luging-lugi na.
Ayon sa isang fishing operator, kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng gasolina, maaari raw na marami na ang tuluyang tumigil sa pangingisda. May pagtawag din na itigil ang pagpapatupad ng excise tax sa diesel, kerosene, at LPG na ipinataw noong TRAIN Law. Ito raw ay pangmatagalang solusyon dahil malaki ang mababawas sa presyo kung isususpende ito, ngunit sa ulat ni JC Punongbayan, isang Ekonomista, bilyon-bilyong piso raw ang maaaring mawala sa gobyerno kung ititigil ang excise tax lalo na’t pandemya at kapos ang pondo nito—kung tatanggalin ito, pwede rin daw na magpataw ng panibagong mga buwis na hahalili para mapunan ang nalagas na kita.
Ang iba pang mungkahi upang mahila pababa ang presyo ay dalhin na lang sa Metro Manila ang mga sobrang supply ng baboy sa Visayas at Mindanao at pagpataw ng suggested retail price o SRP sa agriculture input o feeds sa mga baboy, manok, at isda.
Naitala sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority ang 8.9% unemployment rate noong Setyembre 2021 na katumbas ng mahigit sa apat na milyong (4.25 milyon) Pilipino na walang trabaho. Sa gitna ng pandemya at pagtaas ng bilihin, paano nga ba nakasasabay ang mga Pilipino sa agos? Wala naman silang magagawa kundi ang humanap ng kanya-kanyang diskarte upang hindi mapag-iwanan.
Sa isang panayam sa balita, isang mamimili na may-ari ng karinderya ang nagsabing kaunting sahog na gulay na lamang ang inilalagay niya sa mga putaheng ulam. May mga paghihigpit na lang na gagawin sa budget, sabi ng iba.
Ang ilan naman sa mga mangingisda natin sa Ilagan, Isabela ay pinili na lang na magsagwan upang makaiwas sa mahal na krudo kung gagamitin ang motor ng kanilang bangka, lalo na’t hindi pa raw sila nakababawi sa hagupit ng pandemya.
Kahit papaano ay masasabing nakakaya naman nating sumabay, ngunit hanggang kailan? Hanggang saan? Bagama’t bumaba nang bahagya ang inflation rate o sukat ng pagtaas ng bilihin (4.6%) noong Oktubre 2021 (4.8% noong Setyembre), 5% ang naramdamang inflation o pagtaas ng bilihin ng mga mahihirap dahil malaking parte ng budget ang inilalaan nila sa mga pagkain na maging yun ay matataas ang presyo.
Malaking porsyento, malaking pasakit. Inaasahan na patuloy pang tataas ang presyo ng mga bilihin dahil sa mas mataas na demand sa nalalapit na Kapaskuhan. Panibagong dagok at pasanin nanaman.
Mga Juan at Nena, sawa na ba kayo? Sawa nang umiwas sa mga hukay na lalamon sa atin nang buo? At kung tuluyan nang mahulog, sa ilalim kaya ng lupa ay makakaya pa ring tumayo?
-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Written by: Jessel Tuazon
Layout and Design by: Mica Dobles
Sources:
ABS-CBN News. (2021a, October 20). Taas-presyo sa LPG sa Nobyembre nagbabadya | TV Patrol [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=R0mqXrF3c_E&list=PLSuDTy1zIkqKysQYxRwLb7v0TW9cNM6Ry&index=3
ABS-CBN News. (2021b, October 26). “Durog na durog na kami”: Gasolina sumirit na sa P70/litro | TV Patrol [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=CX6XtZX5PSk&list=PLSuDTy1zIkqKysQYxRwLb7v0TW9cNM6Ry&index=1&t=161s
ABS-CBN News. (2021c, October 28). Taas-presyo sa baboy, isda inaasahan dahil sa mga oil price hike | TV Patrol [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=vDriTElHF3M&list=PLSuDTy1zIkqJwAD1Nk-IlZMoFIbG494u7&index=4
Baclig, C. E. (2021, October 19). 8-week oil price hikes hammer Filipinos still being battered by COVID. INQUIRER.Net. https://newsinfo.inquirer.net/1504000/8-week-oil-price-hikes-hammer-filipinos-still-being-battered-by-covid
GMA News. (2021a, October 20). Ilang nagtitinda sa palengke, nalulugi na raw dahil sa taas ng presyo ng petrolyo | 24 Oras [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=907olVqhitE&list=PLSuDTy1zIkqJwAD1Nk-IlZMoFIbG494u7&index=2
GMA News. (2021b, October 27). Presyo ng isda, nagtaas na rin dahil sa sunod-sunod na oil price hike | 24 Oras [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=1YhdU1_hh1g&list=PLSuDTy1zIkqJwAD1Nk-IlZMoFIbG494u7&index=1
News5 Everywhere. (2021, October 21). NEWS ExplainED: Sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=c5ZJ4n0bA8A&list=PLSuDTy1zIkqKysQYxRwLb7v0TW9cNM6Ry&index=5
Philippine Statistics Authority. (2021, November). Unemployment Rate in September 2021 is Estimated at 8.9 Percent (No. 2021–446). https://psa.gov.ph/content/unemployment-rate-september-2021-estimated-89-percent
Punongbayan, J. (2021, October 22). [ANALYSIS] Bakit napakamahal ng mga bilihin? Ano’ng solusyon? Rappler. https://www.rappler.com/voices/thought-leaders/analysis-why-are-prices-high-possible-solutions
Rivera, D. (2021, November 2). Gas, LPG prices up anew; diesel, kerosene down. The Philippine Star. https://www.philstar.com/headlines/2021/11/02/2138344/gas-lpg-prices-anew-diesel-kerosene-down
Salaverria, L., Ramos, M., & Corrales, N. (2021, October 27). Drivers drop fare hike bid, push for 100% capacity. Philippine Daily Inquirer. https://newsinfo.inquirer.net/1507008/drivers-drop-fare-hike-bid-push-for-100-capacity
Velasco, M. (2021, October 23). New hefty oil price hikes seen next week. Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2021/10/23/new-hefty-oil-price-hikes-seen-next-week/
Comments