top of page
Writer's pictureOikonomos Nexus

Kultura ng Pagkonsumo: Tuluyan na bang binago ng Pandemya?

Maraming oras at oportunidad na ang ninakaw sa atin ng pandemya. Kaya naman karamihan sa atin ay natutunan nang iasa sa mga online shopping application ang pagbili sa kahit anumang maisipang pangangailangan at luho.


Ang Pilipinas ang nakapagtala ng pinakamalaking pagtaas (53%) sa paggamit ng mga shopping applications gaya ng Shopee at Lazada sa buong Timog-Silangang Asya. Dahil dito, umabot sa 4.9 bilyong beses ang naitalang pagbisita ng mga Pilipino sa mga umusbong na shopping applications noong isinailalim ang buong bansa sa mahigpit na lockdowns. Nakasanayan na rin ang pagbili ng mga pagkaing tutugon sa tawag ng tiyan gamit ang mga food delivery app tulad ng Grab Food at Foodpanda. Kung kaya naman ay hindi malayong tumaas ang kontribusyon ng e-commerce sa paglago ng ekonomiya ng bansa.


Mula nang malapit ang puso at bulsa ng karamihan sa mga online shopping application, hindi na maitanggi na marami nang mamimili ang napagastos nang malaki sa tuwing magkakaroon ng pangmalawakang pagbaba sa presyo ng mga produkto. Ayon sa nakalap na datos mula sa survey na ginawa ng ShopBack, 79.8% sa halos dalawang libong gumagamit nito ang nagsasabing mas maraming oras ang inilalaan nila sa pag-browse sa tuwing sasapit ang buwanang sale tulad ng 11.11 at 12.12.


Nakaeengganyo nga naman ang isang araw na pagbaba ng mga presyo, libreng pagpapadala, at mga puntos na maaari mong makuha sa pagbili. Dahil sa mga nakaaakit na alok ng mga online shopping app, malaki ang tsansyang mauwi ka sa maling desisyon na gigising sa iyo bago ka pa tuluyang makatulog.


Ang labis at hindi matalinong pagkonsumo ay walang mabuting maidudulot sa atin. Bilang mamimili na may makatwirang pag-iisip, ang pinakaepektibong hakbang ay ang matuto patungkol sa tamang pagkonsumo.


Sa unti-unting pagbubukas ng mga establisyemento, ang mahabang panahon na pagkakakulong sa kani-kaniyang mga tahanan ang siyang nagtulak sa karamihan upang dagsain ang mga sikat na establisyemento at pasyalan.

Dito na umusbong ang terminong ‘revenge shopping’, kung saan ang mga mamimili ay bumabawi sa mga nawala o ninakaw na oras ng pandemya sa pamamagitan ng madalas na paggastos at paglabas.


Ang mga ganitong eksena matapos ang mahabang panahon na hindi pagpunta sa mga nasabing lugar ay inaasahan na. Gayunpaman, ang matinding pag-iingat bilang responsableng mamimili ay kinakailangan pa rin upang hindi na tayo magsisihan pa at muling bumalik sa umpisa.


Ang huling tatlong buwan ng taon ang itinuturing na panahon kung saan ang paggastos ng mga tao ay mas mataas kumpara sa mga nagdaang mga buwan. Ito ay dahil sa mga natatanggap na insentibo ng mga manggagawa, at mga padala ng mga kamag-anak na nagtatrabaho sa labas ng bansa.


Habang patuloy pa rin natin kinahaharap ang pandemya, ang paggastos sa ganitong panahon ay naaapektuhan dahil sa mataas na bilang ng mga nawalan ng trabaho bunsod ng pagtigil at pagiging limitado sa operasyon ng mga establisyemento. Dahil sa labis na epekto ng pandemya sa kita ng mga ordinaryong manggagawa, tuluyan na itong nagresulta sa pagbaba ng kanilang kakayahang kumonsumo at gumastos.


Sa kabila nito, marami pa rin sa atin ang sinisikap na ipagpatuloy ang nakasanayang pamimigay ng mga regalo. Dahil sa kasalukuyang sitwasyon, mas mabuting gawin na lamang ang pamimili ng regalo gamit ang mga online shopping app. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng pagkakataong ikumpara ang presyo ng mga produkto, pagkakaroon ng malawak na opsyon sa mga regalong maaaring bilhin, at ng mas mahabang oras para mag-isip bago tuluyang bilhin ang produkto.


Sa kabila ng matinding kagustuhan, ang responsable at matalinong pagkonsumo ay dapat pa rin nating patuloy na gampanan, nang sa gayon ay hindi natin naisasantabi ang mga bagay na dapat pinaglalaanan ng pera at panahon.


Ikaw, bilang mamimili ay may kakayahang gumastos, kumonsumo, at makipagtransaksyon sa anomang oras at paraan na gustuhin mo. Ngunit dahil sa kinahaharap na pandemya, ang nakasanayang pamamaraan ng pagkonsumo at paggastos ay nagbago. Kaya naman upang matugunan pa rin ang luho at pangangailangan, naitulak tayong sumabay sa pagbabago na inihain sa atin ng makabagong lipunan at kasalukuyang pandemya.


--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------


Written by: Christine Vallecera

Layout and Design by: Dan Kurt Buenaventura


Source:



0 views0 comments

Comments


bottom of page