top of page
Writer's pictureOikonomos Nexus

10K Ayuda: Bunga ng dugo at pawis


Makatarungan lamang na uminda, pumuna, at manghingi ng kasagutan mula sa gobyerno ang mamamayang Pilipino, dahil mula sa buwis ng bayan ang ginamit, ginagamit, at gagamiting pera ng administrasyon. Bunga ng dugo at pawis mula sa masigasig na pagtatrabaho at ng lahat ng kahirapan na ininda ng bawat isang Pilipino. Pera ito ng taong bayan na dapat suklian ng gobyerno.


Kumalat sa social media ang mga litrato ng mga drayber ng dyip na namamalimos dahil hindi sila makapamasada. Ilan sa kanila ay napilitang tumira sa kani-kanilang mga dyip dahil sila ay hindi makabayad dulot ng kawalan ng kita. Nawalan na nga sila ng matitirhan, wala pa silang makain. Kung isa sila sa mga nagbibigay buwis sa pamahalaan, bakit walang bumabalik sa kanila? Hindi ito nag-iisang kaso, marami sa ating mga kababayan ang hanggang ngayon ay hindi pa rin nakatatanggap ng ayuda.


Gamit ang Bayanihan to Heal As One Act, ang mga sambahayan na may mababang kita ay makatatanggap ng ₱5,000 hanggang ₱8,000 sa buwan ng Abril at Mayo 2020. Ngunit ang inaasahang ayuda para sa dalawang buwan na iyon ay natagalan bago dumating. Dulot ng mga problema sa pamamahagi ng pera, hindi lahat ng sambahayan ay nakatanggap ng ayuda — ang iba ay sa unang tranche lamang nakatanggap. Mas malala ay mayroong hindi talaga nakatanggap.


Isa sa mga rason ay ang pagpapasa ng responsibilidad ng gobyerno sa mga lokal na pamahalaan. May mga naging kaso na ng anomalya sa pamimigay ng ayuda, isa na lamang dito ang 134 na mga opisyal ng barangay na kinasuhan dahil sa mga problema sa pamimigay ng ayuda para sa mga mamamayan.


Imbes na para sa lahat ang ayuda, ang mga nabibigyan lamang ay ang mga malalakas o may kamag-anak na nagtatrabaho sa lokal na pamahalaan. Kung ikaw ay may kilala, sigurado na ikaw ay mabibigyan ng ayuda. Ngunit, kapag wala, mapipilitan kang maghanap ng paraan upang ikaw ay makasama sa listahan. Pati ang pagsama ng iyong pangalan sa listahan ay isa ring prosesong nagpapahirap sa mga mamamayan.


Matagalang paghihintay ang iyong titiisin, ngunit ang pagtitiis na ito ay hindi pa rin nagbibigay ng kasiguraduhan kung makasasama nga ba ang pangalan mo sa listahan. Ang matagal nang bulok na sistema ng pulitika mula sa pambansa hanggang lokal na pamahalaan ay isa sa mga rason ng paghihirap ng mga Pilipino. Nakaugat ito sa paggamit ng mga burukrata ng gobyerno bilang isang negosyo na mapagkakitaan.


Isang patunay ang mga karanasan na ito kung bakit patuloy na dumarami ang mga Pilipinong lumalabas ng kanilang mga bahay — kinakailangan nilang magtrabaho upang mapakain ang kanilang mga pamilya. Dahil imbes na sila ay maghintay para sa isang bagay na hindi naman sigurado, sila ay gumagawa na lamang ng paraan upang tiyak na sila ay makakakain araw-araw. Wala tayo sa posisyon upang husgahan ang ating mga kababayang naghihirap, dahil iba’t iba ang ating dinaranas sa gitna ng pandemyang nakabatay sa iba’t ibang kadahilanan.


Kung mamimigay ng ₱10K ayuda ang gobyerno, maaaring mababawasan ang mga taong lalabas ng kanilang mga bahay. Kung magpapatuloy ang buwan-buwang ayuda ng gobyerno, maraming mga Pilipinong nawalan ng trabaho ang maiibsan kahit papaano ang kahirapan na dinulot ng pandemya. Ang pagpapabagal ng daloy ng mga tao sa labas, na dulot ng tuloy-tuloy na tulong mula sa gobyerno, ay magreresulta naman sa pagpapabagal ng pagkalat ng COVID-19.


Alam kong inyong matatanong, saan kukunin ang pondo para sa ₱10K ayuda? Dapat naman talagang tanungin iyan dahil hindi naman walang hangganan ang pondo ng mamamayang Pilipino. Ang maling paggamit ng buwis ng taumbayan ay isa sa mga rason kung bakit maraming mga Pilipino pa rin ang nahihirapan sa kalagitnaan ng pandemya. Ang budget na nakalaan dapat sa COVID-19 response ng gobyerno ay napunta lamang sa iba’t ibang programang opensiba. Mahigit 75% ang itinaas ng budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Samantala, ang Philippine General Hospital (PGH) ay hinarap ang Php 1.3 Bilyong budget cut sa kaparehas na panahon.


Sa pagkukumpara ng problema, higit na mahalaga ang pagtugis sa virus na patuloy na kumikitil sa buhay ng marami. Kung susundin ang naratibo ng estado, hindi mahalaga ang pagtugis sa mga komunista na, sa kanilang salita, ay may bilang na hindi lalampas sa limang libong kataong kasapi. Ngunit, apektado kahit sa academic freedom. Kamakailan ay nagbaba ang CHED ng memorandum sa pagtanggal ng subersibong teksto sa mga state universities. Mariin itong tinanggihan ng iba’t ibang lider ng mga institusyong ito sa kadahilanang ang kalayaan sa pag-iisip ay hindi terrorismo. Bukod dito, ang sunod-sunod na redtagging sa mga lider-estudyante mula sa iba’t ibang parte ng bansa ay kasama sa mga aksyong tinatahak ng NTF-ELCAC.


Kung tutuusin, mas maraming maling nagagawa ang pagbibigay ng prayoridad sa ibang mga programa ng gobyerno. Samantala ang COVID-19 response budget ay patuloy na bumababa.


Ngunit, ang ayuda ay hindi maituturing na solusyon sa kahirapan na dulot ng pandemya. Ito ay isa lamang suplementaryong kasagutan sa pandemya — solusyong medikal, hindi militar. Kung saan mas pagtutuunan ng pansin at popondohan ang sektor para sa pangkalusugan, imbes na ilaan ito sa mga makinarya ng gobyerno. Kung magpapatuloy ang kawalang-imik ng gobyerno sa patuloy na paghihirap ng mga mamamayan nito, magtatagal ang paghihirap ng masang Pilipino. Hindi naman ang mga nakaupo sa gobyerno ang naghihirap, ang naghihirap ay yung mga nasa laylayan ng lipunan. Kawalan ng konsensya at puso kung masasabi kung hahayaan na lang ng kasalukuyang administrasyon na maghirap ang mga mamamayan nito — mamamayan nito na may pinakamalaking pangangailangan. Hindi naman sobra ang hinihingi nila, ang hinihingi nila ay sapat lamang upang sila ay mabuhay araw-araw sa kalagitnaan ng mapanghamon at mapaminsalang sitwasyon na dulot ng COVID-19.


-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Written by: Jacob Ranay

Layout and Design by: Kris Langcaon


SOURCES:


3 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page