top of page
Writer's pictureOikonomos Nexus

Mana

Dalawang linggo na lamang bago manganak si Berhila. Tila mabaliw-baliw ito sa saya sa kaisipang may isang supling na mabibiyayaan ng maganda at masayang buhay.


Sa tuwing dudungaw ang babae sa bintana ay tila nakikita niya ang sarili sa isang bata—paslit, na laging laman ng bawat sulok ng kanilang bakuran, batang may angking kutis kayumanggi, bilog na bilog ang mga mata, mayroong matabang pisngi, kulot ang maitim at mahabang buhok na tila ba’y peluka.


Sa kanang bahagi ng bakuran, kanyang nasilayan ang s’yang pasuray-suray na pagtakbo nito papalapit sa isang matandang puno ng kamatsile para magtago. Sa patuloy na paggalaw ng mumunti nitong mga paa ang tila unti-unting pagdagdag ng laki at bilang ng edad nito. Tuloy-tuloy, hanggang makapunta sa kabilang bahagi ng bakuran, ito ay prenteng umupo sa damuhan habang hawak-hawak ang isang librong tila ba magka lasog-lasog na ang pahina.

“Kung bibiyayaan, dinggin nawa na magmana ka sa akin.” Bulong ni Berhilla sa hangin, “Sayang naman ang likha ng mahuhusay na manunulat kung aanayain lang at magmi mistulang sawimpalad” Tumayo ang bata kasabay ng pag iiba ng ayos nito at tila ba’y nagdalaga. Sabik na sabik itong lumapit upang makulong sa bisig ng isang payat at matangkad na lalaki.


Napangiti na lamang siya sa nakita sabay haplos sa mala-pakwan niyang tyan na tila halos mahuhulog na.


Ala una ng umaga noong tumindi ang kirot— ang pagputok ng kanyang panubigan. Mga oras na wala ang kanyang asawa. Sa tulong ng mga kapitbahay nakarating ang kumadrona. Nakapanganak siya, ligtas ang bata. Labas gilagid ang kanyang ngiti sa kabila ng karanasang tila ba’y nasa hukay ang ikabilang paa. Mistulang alapaap ang kanyang nararamdaman habang tanaw ang hinaharap sa mundong ibabaw.

Naiwang tahimik ang mag-ina.


Ngunit laking gulat ni Berhila noong nasilayan ang asawa, tila hari sa engrandeng pagdating mula sa bintana. Hati ang katawan nito, na animo libro na ang itaas ay ipiniglas at hinyaang magliwaliw sa mundo. Mabilis na lumipad ang lalaki matapos kunin ang anak sa kanyang dibdib.


Matagal na panahon din siyang nakatulala at bumubulong mag-isa sa nakita.


Binansagang baliw ang pawang si Berhila. Hanggang sa kinabukasan nakita na lamang s'yang nakahandusay sa kanilang bakuran at hati ang katawan.


"Bakit wala naman siya sa tyan ko?"



------

Written By: Lyka Tan Layout and Design by: Dan Kurt Buenaventura

2 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page