Simula noong ako’y bata pa,
Hinubog ako sa pangaral nila
Isa na riyan ang mga lilim ng kulay,
Dapat daw angkop sa aking tinataglay
Asul ang paborito kong kulay,
Tila niyayakap ako nito at pinapahuway
Magaan ito sa lente ng aking mga mata,
Na animo’y kapayapaan ang dala.
Minsan, paborito ko rin ang dilaw,
Lalo na sa tingkad nito kapag natanaw
Sinasalamin nito ang sikat ng araw,
At ang pag-asang nakapupukaw
Madalas, paborito ko naman ang pula,
Kakulay kasi nito ang labi niya
Hindi rin kasi ako takot sa dugo,
O kahit ‘di mapasakin ang kanyang puso.
Malapit din sa aking loob ang berde,
Ang astig kasi at ang lakas maka-lalaki
Ito rin ang kulay ng mga sundalo,
Maging ang masustansyang mga gulay sa bahay kubo
Marami pa akong nais at gusto,
Na hindi angkop sa kasarian ko
Ngunit ang tanging alam ko,
Walang pinipili ang kulay para ito’y maging paborito.
-------------------------------------------------------------------------------------------------------
Written by: Moises Caleon
Layout and Design by: Simon Estanislao
Comments