top of page
Writer's pictureOikonomos Nexus

Regalo

Ginising ako ng ligalig at pagkasabik mula sa aking pagkakahimbingsumakit ang likod ko. Ngayon na pala ang araw na espesyal daw sabi nila. Ako si Bong, kilala sa palayaw na Bongbong, huwag ka mag-alala, ‘di ako mula sa marangyang pamilya.


Ipinanganak ako kasabay ng araw nang pagsilang ni Hesukristo. Ewan ko ba naman sa mga magulang ko, nais pang sumapaw ako sa pinakamabiyayang araw na ito. Amoy ko na mula sa kusina ang spaghetti at shanghai na bagong init mula sa Noche Buena kagabi, siguradong aabutin nanaman ito hanggang putukan sa Enero.


Sinilip ko ang kwarto ni Inay subalit magulong higaan at katahimikan lang ang bumungad sakin. Baka nakipagchismisan nanaman ‘yun kay Aling Marites, jusko! Walang araw talaga na pinalalampas. Kinuha ko ang aking cellphone upang tignan ang aking messenger; umuulan ng “𝘔𝘦𝘳𝘳𝘺 𝘊𝘩𝘳𝘪𝘴𝘵𝘮𝘢𝘴!” mula sa aking mga kaibigan at kakilala. Masaya. Napabuntong hininga na lang ako kasi lagi na lang nila nakalilimutan na araw ko rin ngayon, sino ba naman ako di’ ba?


Tanaw ko mula sa aming bintana ang mga kabataang nakajaporms at bihis na bihis, hapit, nagsusumabog ang kulay at nakapinta ang mga ngiti. Sino ba naman ang hindi matutuwa na mabigyan ka ng aguinaldo’t regalo ngayong pasko? Sana all, sabi nga nila.


Binagtas ko na ang aming banyo upang maligo at makagayak na. Mukang magiging abala ako ngayong araw.


Kailangan ko na ata bumili ng pangkulay ng buhok, isang malinis na pulang damit, pares ng maong na pantalon, at leather shoes ang napili kong suotin. “𝘕𝘢𝘱𝘢𝘬𝘢𝘨𝘸𝘢𝘱𝘰 𝘮𝘰𝘯𝘨 𝘵𝘶𝘯𝘢𝘺, 𝘉𝘰𝘯𝘨𝘣𝘰𝘯𝘨!” asar ko sa aking sarili habang nakaharap sa salamin.


Isinuot ko na ang aking ngiti.


Palabas na ako ng aking pintuan subalit may humarang sa akin, nakakunot ang kanyang noo, nakasalamin, nagdidikit ang kanyang kilay na tila siya’y naiirita. Napakalinis niyang tignan, nakasuot siya ng ternong puti na pantaas at pambaba. “𝘚𝘢𝘢𝘯 𝘩𝘰 𝘬𝘢𝘺𝘰 𝘱𝘶𝘱𝘶𝘯𝘵𝘢?” wika niya sa akin.


Aba’y sino ba itong babae na ito?


Palubog na ang araw subalit ‘di pa rin ako pinapayagang lumabas ng babaeng iyon.


Pinili ko na lang tumungo sa aking silid, nangingilid na ang aking mga luha. Nakalimutan na kaya nila?


5.. 4.. 3.. 2.. 1.. dinig ko ang bilang mula sa labas, Kaya’t binuksan ko ang aking pinto.


“𝙃𝙖𝙥𝙥𝙮 64𝙩𝙝 𝙗𝙞𝙧𝙩𝙝𝙙𝙖𝙮, 𝙏𝙖𝙩𝙖𝙮 𝘽𝙤𝙣𝙜𝙗𝙤𝙣𝙜!” Sabay sabay nilang sambit sa akin.


Andito rin pala si Sarah, Roke, at ang katukayo kong si Bong, hawak nila ang mga lobo at isang Braso de Mercedes na cake. Alam na alam talaga nila ang aking paborito.


Siksik at liglig ng pasasalamat ang aking puso.


Halos mag-iisang dekada na din kaming magkakasama rito, mga magulang na pinili na lang kalimutan at isantabi na animo’y mga laruan lang. Masaya naman ako lalo na sa nabuo naming samahan at pamilya sa lugar na ito, subalit ‘di ko pa din mapigilan na magbaliktanaw sa nakaraan lalo na ang espesyal na araw na ito.


-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------


Written by: Moises Caleon

Layout and Design by: Dan Kurt Buenaventura

24 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page